Malungkot ako ngayon. Paano naman kasi, miss na miss na kita. Pwede ba namang hindi, e halos apat na gabi ka ng wala. Isang gabi nga lang ay hinahanap na kita, yun pa kayang ganito katagal. Nalulungkot ako kasi wala akong makwentuhan kapag gabi, wala akong masabihan ng mga nangyari sa araw ko. Walang yumayakap sa akin at wala akong katabi sa pagtulog.
Gusto ko sanang sabihin sa yo pero hindi naman pwede. Hindi pwede kasi baka makasira pa ako sa bakasyon mo. Baka kahit hindi mo pa gustong umuwi, mapilitan ka dahil nahihiya ka sa akin. Ayoko naman nun, gusto ko, uuwi ka dahil namimiss mo na rin ako, dahil gusto mo na ako makasama. Pero sa totoo lang, minsan natutukso ako. Minsan gusto ko na lang paguiltihin ka, kasi baka kung hindi, tagalan mo pa ang pag-uwi. Minsan, gusto ko ng maging makasarili at pauwiin ka. Magagawa ko e gusto na kita makasama. Haaaay...
Kaya pwede, wag mo mna akong kukumustahin? Wag mong tatanungin kung namimiss na kita. Kung gusto mo, magkwento ka tungkol sa mga ginagawa mo. Ikwento mo sa aking ang saya mo, ang mga narararansan mo. Kaya kong pilitin na hindi sabihin sa yo ang nararamdaman ko, pero kahit anong gawin ko, hindi ko kayang pilitin ang sarili kong maging ok lang sa pagkalayo mo.
Pero hindi kita pauuwiin... Para sa yo, titiisin ko ang nararamdaman kong pagkalungkot. Kung masaya ka eh...
Pero sana... para sa akin... umuwi ka na...
No comments:
Post a Comment