Sa kapapanood ko ng Pinoy Big Brother, napa-isip tuloy ako.Tatlong magkakaugnay na tanong ang ngayon ay naglalaro sa aking isipan.
Una, kung ako ang nasa loob ng bahay, anong klaseng paguugali, pagkatao o personalidad ang makikita sa akin ng mga manonood? Anong klaseng tao ba ako sa paningin ng iba?
Sa totoo lang, hindi ko alam ang sagot sa tanong na iyun. Dahil na rin marahil sa hindi ko alam ang sagot sa pangalawang tanong ko: Ano ba ang pagkakakilala ko sa sarili ko? Ano ba ako sa paningin ko? Mukhang madaling tanong, tutal sino ba ang pinakanakakakilala sa atin kundi ang ating sarili? Pero isang tanong na talagang nahihirapan akong sagutin. Katunayan, ayaw na ayaw kong tinatanong sa mga interviews nung ako ay nagaapply ng trabaho ng "Describe yourself".Nastre-stress ako dahil nakikita ko kung paano ko hindi kilala ang aking sarili. Mahirap na kalagayan.
Dahil hindi ko alam ang sagot sa mga tanong na aking unang nabanggit, hindi ko rin mapigilang makaramdam ng insecurities. Pakiramdam ko, kung ako ang nasa PBB, ako ay magiging isang walang kwentang housemate. Walang dating, walang personalidad. E kung ako nga eh, hindi ko makita kung ano ako, hindi ko makita ang kagalingan o kagandahan ko, paano pa kaya yung iba? Syempre ito, hindi lang naman sa PBB. Kahit sa pangaraw-araw na buhay. Ako ba ang klase ng tao na gugustuhin mong makilala? Gaganda o sasaya ba ang buhay mo kung ako ay iyong kaibigan? Parang hindi eh. Hindi ko nga rin maisip ang sarili ko bilang bida sa isang nobela o sa isang pelikula eh. Sa mga libro ni Danielle Steel o si Sideney Sheldon kasi, and aking mga paboritong manunulat, ang mga bidang babae ay laging maganda, matalino, may karakter.
Nakakalungot noh? Na hindi mo kilala ang sarili mo. Dagdagan pa ng liit ng tingin sa sarili, ng kawalan ng kumpiyansa o bilib sa sarili.
Dahil dito, gustong sagutin ang aking pangatlong tanong: Sino ba akong talaga? Hindi kung ano lamang ang nakikita ng iba, hindi kung ano ang iniisip ko, kundi ang tunay na ako. Yung akong ginawa ng Panginoon. Sigurado, dahil gawa ng Panginoon, espesyal ang akong iyon. Sigurado, may halaga at may kwenta.
At gusto ko na siyang makilala.
No comments:
Post a Comment